HUMAKOT ang mga Pinoy boxer ng apat na gold sa Boxam Elite Tournament sa Alicante, Spain.
Ang delegasyon ng bansa ay pinangunahan ni 2020 Tokyo Olympic Games silver medalist Nesthy Petecio, na nag-ambag ng isa sa apat na ginto.
Tinalo ni Petecio si Hsiao Wen Huang ng Chinese Taipei sa Finals upang madominahan ang women’s featherweight-57 kg division.
Ang tatlo pang golds ng bansa ay nagmula kina Rogen Ladon, Aira Villegas, at Hergie Bacyadan, na naghari sa kani-kanilang weight divisions.
Ginapi ni Ladon, sumabak sa 2016 Rio Games, si Istvan Szaka ng Hungary upang kunin ang gold sa championship round ng men’s flyweight-51 kg division.
Dinomina ni 28-year-old Villegas ang women’s light flyweight-50 kg division makaraang pataubin si Kyzaibay Nazym ng Kazakhstan sa Finals.
Namayani naman si Bacyadan kay Yerzhan Gulsaya ng Kazakhstan sa women’s middleweight-75 kg.
Bagama’t ang Spain tilt ay hindi bahagi ng dalawang Olympic qualifying tournaments ngayong taon, ginagamit ito ng mga national boxer para sa kanilang paghahanda sa 2024 Paris Games.
Si Tokyo Olympics bronze medalist Eumir Felix Marcial pa lamang ang nakakuha ng Olympic berth kasunod ng kanyang silver medal finish sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China.
Susunod na sasabak ang mga Pinoy pugs sa OQTs sa Busto Arsizio, Italy (February 29 – March 12) at sw Bangkok, Thailand (May 23 – June 3).