PINOY CAGERS TODO HANDA VS KOREANS

Coach Yeng Guiao

JAKARTA — Nais nang kalimutan ni coach Yeng Guiao ang nasayang na pagkakataon at magpokus na lamang sa inaasahang ‘make or break’ showdown sa  South Korea sa Lunes.

Matapos ang nakapanlulumong pagkatalo sa China, 80-82, noong Martes, asahan ang mas mahusay at mas maba­ngis na Nationals sa kanilang knockout match sa Koreans sa susunod na linggo.

At naghahanda si Guiao at ang kanyang coaching staff para sa kakaibang laban.

“Korea has a different system. Hindi sila nagri-rely sa malalaki nila,” ani Guiao. “They rely on ball movement. We have to prepare for their quickness.”

Hindi lamang iyan. Kailangan ding pag­handaan ng mga Pinoy ang mga bagay na maa­aring maibigay ni da­ting PBA import Ricardo Ratliffe para sa Koreans bilang kanilang naturalized player.

Subalit, hindi nababahala si Guiao.

“Our familiarity with Ratliffe will save us some time on the scouting report, but Korea is more than Ratliffe. Korea is more of a team game. They move the ball around. If you lose your focus, if you lose your patience, that’s the time you break down on defense. I guess those are the things that we have to plan against Korea,” sabi pa ni Guiao.

Naniniwala ang PH team coach na ang ipinakita ng kanyang tropa laban sa China ay dapat na maging indikasyon ng kanilang tsansa sa medal round bagama’t ang koponan ay may nakadudurog-pusong karanasan laban sa Koreans.

“If we play with the same effort just like what we’ve shown against China, tingin ko kaya natin ang Korea,” dagdag ni Guiao.

Hindi dapat kalimutan ng Nationals na maraming sakit ang ipinadama ng Koreans sa bansa, lalo na sa Asian Games.

Noong 1986 Asian Games sa Seoul, ang Filipinas ay nawalan ng pagkakataong makaharap ang China para sa gold medal nang tawagan si Allan Caidic ng kontrobersiyal na charging foul, na nagbigay sa Koreans ng panalo.

Noong 2002, nai­salpak ni Lee Sang Min ang kanyang nag-iisang three-point shot sa closing seconds ng laro na naghatid sa Korea sa dikit na panalo laban sa Jong Uichico-coached national squad.

Comments are closed.