BILANG pagkilala sa kanilang tagumpay sa mga nilahukang internasyonal na kompetisyon na nagdulot ng malaking karangalan sa bansa, pinapurihan ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada sa Senado ang mga atletang humakot ng medalya kamakailan lang.
Inihain nitong Lunes ni Estrada ang Senate Resolution No. 309 na nagbibigay pagkilala at papuri sa mga silver medalist ng Tokyo Olympics na sina Carlo Paalam at Nesthy Petecio, pati na rin si Hergie Bacyadan para sa kanilang panalo sa ginanap na Asian Boxing Confederation (ASBC) Elite Men and Women Boxing Championships sa Amman, Jordan.
Nagwagi si Paalam ng gintong medalya sa Bantamweight men’s 54-kg division habang sina Petecio at Bacyadan ay kapwa nakakuha ng bronze medal sa Featherweight women’s 57-kg at Middleweight women’s 75-kg divisions.
“Ang ipinamalas nina Paalam, Petecio at Bacyadan na katapangan at pagsusumikap na mapagtagumpayan ang kanilang laban sa continental tilt ay patunay ng pambihirang kalibre, katatagan, at kumpiyansya ng ating mga Pilipinong atleta kahanay ang mga pinakamahusay sa mundo,” sabi ni Estrada.
Ang nakamit nilang mga tagumpay sa international arena, dagdag ni Estrada, ay nagpapataas ng imahe ng Pilipinas at nagpatibay sa katayuan ng bansa na kinikilalang isang boxing powerhouse.
“Ang mga natatanging tagumpay ng mga boksingerong Pinoy ay maaaring nag-uudyok at nagbibigay ng inspirasyon sa mga nakababatang henerasyon na magpursige sa palakasan upang bumuo ng disiplina, tiyaga, at kahusayan – lahat ng positibong katangian na mahalaga sa pagbuo ng bansa,” aniya.
Pinapurihan din ni Estrada sa kanyang Senate Resolution No. 308 ang pagkakapanalo ng National Youth Chess Team ng Pilipinas sa 2022 Eastern Asia Youth Chess Championships sa Bangkok, Thailand noong Nobyembre 12.
“Ang chess prodigies ay nagpapahiwatig ng magandang hinaharap ng Philippine sports, na ang pagkakaroon ng mga world-class na talento ay dapat pangalagaan at paunlarin pa sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na suporta sa grassroots at amateur sports programs,” sabi ng senador.
“Ang mga junior chess champions at grandmasters-in-the-making ay mga magandang huwaran para sa kanilang mga kapwa Pilipino upang makapanghikayat pa ng iba na sumabak rin sa pampalakasan na nagtataguyod ng disiplina sa sarili, pagtutulungan ng magkakasama, at kahusayan,” dagdag ni Estrada.
Ang koponan ng kabataang lumahok sa nasabing kumpetisyon ay humakot ng kabuuang 32 gold, 27 silver at 21 bronze medals sa individual at team categories na nilahukan ng halos 200 manlalaro mula sa 12 bansa.
Nakakuha rin sila ng ilang world titles tulad ng Woman International Master, FIDE Master, Woman FIDE Master, at candidate masters mula sa event.
VICKY CERVALES