DINISPATSA ng Philippine men’s team ang Ecuador, 3-1, upang makalapit sa top 10 finish matapos ang 10th at penultimate round ng 43rd World Chess Olympiad sa Batumi, Georgia noong Huwebes ng gabi.
Naitala nina International Masters Jan Emmanuel Garcia at Haridas Pascua ang decisive wins laban kina FIDE Master Kevin Naboa at IM Miguel Munoz Sanchez sa huling dalawang boards habang nagkasya sa draw sina Grandmasters Julio Catalino Sadorra at John Paul Gomez laban kina GM Carlos Matamoros Franco at IM Christian Barros sa top boards.
Ang panalo ay naghatid sa mga Pinoy sa seven-team tie sa 13th place na may 14 match points, o tatlong puntos sa likod ng co-leaders United States, na naungusan ang Armenia, 2.5-1.5, at China, na pinataob ang erstwhile solo leader Poland, 3-1, na may tig-17 points.
Nalugmok makaraang yumuko sa minamaliit na Lebanon, 1.5-2.5, sa fifth round at bumagsak sa tournament purgatory sa 101st place, bumangon ang Filipinas at ibinunton ang galit sa Jersey, Albania, Uruguay, Zambia at ang huli ay sa Ecuador upang buhayin ang kanilang kampanya.
At ngayon ay may pagkakataon ang mga Pinoy na magtapos sa top 10, o mahigitan ang best finish na seventh place sa 1988 edition sa Thessaloniki, Greece kung tatalunin nila ang pinapaborang Vietnamese, na tumabla sa Germans, 2-2, sa final round hanggang press time.
Sinabi ni non-playing coach GM Eugene Torre, naglaro sa top board sa makasaysayang 1988 team, na may tsansa sila.
“The team prepared hard and didn’t give up. We have an opportunity to make history,” ani Torre, na ang koponan ay suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) at ni BCFP president Prospero Pichay.
Sinawing-palad naman ang PH women’s team makaraang yumuko sa Moldova, 1.5-2.5, at bumagsak sa sosyohan sa 46th spot na may 11 points.
Natalo sina WGM Janelle Mae Frayna at WIM Bernadette Galas kina WIM Diana Baciu at WFM Paula-Alexandra Gitu sa first at fourth boards, habang ginapi ni WIM Catherine Secopito si WFM Olga Hincu sa second board at tumabla si WFM Shania Mae Mendoza kay IM Svetlana Petrenko sa third board.