PENANG, MALAYSIA – Nagningning ang talento ng Aklanon chess player na si Jan Francis Mirano mula Banga, Aklan matapos makuha ang ika-5 puwesto sa prestihiyosong 16th Penang Heritage City International Chess Open 2024 na ginanap noong Disyembre 23-27 sa UOW Malaysia KDU Penang University College (Georgetown).
Pinatunayan ni Mirano ang kanyang husay sa pamamagitan ng mga kahanga-hangang panalo laban sa malalakas na kalaban tulad nina AFM Sivanesan Paranam, Jaishivan (1687) ng Malaysia; Wismeijer, Jeroen (1827) ng Netherlands; Yang, Lanqin (1819) ng China; Chong, Jin Cheng (2002) ng Malaysia; at IM Mohammad, Nubairshah Shaikh (2417) ng India.
Nakipagtabla rin siya sa mahuhusay na international masters, kabilang sina IM Sharan, Rao (2405) ng India, IM Gunawan, Ronny (2227) ng Indonesia, at IM Polschikov, Alexey (2335) ng Russia.
Ang kanyang tanging pagkatalo ay mula kay eventual tournament champion IM Poh, Yu Tian (2444) ng Malaysia.
Ang kanyang paglahok sa torneo ay nagbigay ng malaking boost sa kanyang FIDE rating na nadagdagan ng 43 puntos.
Samantala, nagtapos sa ika-7 at ika-11 puwesto sina National Master Almario Marlon Bernardino Jr. mula Quezon City/Mandaluyong City at National Master Leonardo Alidani mula Cebu, ayon sa pagkakasunod. Hindi natalo si Bernardino sa Challenger section na may 4 na panalo at 5 tabla.
Ang paglahok ng mga Filipino chess player ay mula sa imbitasyon ni Penang Chess Association President at Malaysian Chess Federation Deputy President Madam See Swee Sie.