DINOMINA ng trio nina Rubilen Amit, Carlo Biado, at Johann Chua ang Predator World Teams 10-Ball Championship nitong Linggo sa Klagenfurt, Austria.
Pinataob nina Amit, Biado, at Chua ang Great Britain sa finals, 3-0, upang mamayani ang Pilipinas sa 24-team field.
Nauna nang nakaharap ng mga Pinoy ang British triumvirate nina Kelly Fisher, Jayson Shaw, at Darren Appleton sa kaagahan ng torneo kung saan naitarak nila ang 3-2 panalo sa isang shootout.
Ngunit laban sa Great Britain ay magaan na nagwagi ang mga Pinoy upang maibulsa ang pinakamalaking parte ng 136,000-euro prize pool.
“We’re very happy and relieved. Finally, no more matches, no more shootouts, we can finally rest and just enjoy Austria,” sabi ni Amit, isang two-time 10-ball world champion.
Binigyan ni Amit ang Pilipinas ng kalamangan kasunod ng 4-3 panalo laban kay Fisher bago naitala ni Biado ang katulad na 4-3 victory kontra Shaw upang lumapit sa titulo.
Sinamantala nina Biado at Amit ang errors ng mga Briton at inangkin ang korona sa team 10-ball.
Tumapos ang Team Philippines na may perfect 5-0 record at kinuha ang korona sa unang pagkakataon sa prestihiyosong billiard competition na inorganisa ng World Pool Association.
Ang paglahok ng mga Pinoy ay sinuportahan ng Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee bilang paghahanda sa Southeast Asian Games, Asian Games at Asian Indoor at Mixed Martial Arts Games.
CLYDE MARIANO