BILANG paghahanda sa nalalapit na 30th Southeast Asian Games, sasabak ang mga Pinoy sa dalawang international billiards tournaments sa Asia, ang una ay sa China World 9-Ball Billiards sa Set. 3 sa Shanghai.
Makikipagsabayan sina Rubilyn Amit, Chezka Centeno, Carlo Biado, at Yohann Chua sa mga bigating cue artist mula sa mahigit 20 bansa.
Si Biado, tubong La Union, ay naging World Billiards champion at itinanghal na PSA Athlete of the Year, kasama si World Bowling queen Lyn Krizzhia Tabora.
Nakatakda ring maglaro sina Irish Ranola at Flordeliz Andal subalit hinihintay pa ang go-signal ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William Ramirez.
Kailangang malagpasan nina Amit, Centeno, Biado at Chua ang tatlong araw na qualifying bago makapaglaro sa apat na araw na tournament proper.
Matapos ang torneo sa Shanghai ay mapapalaban naman ang mga Pinoy sa Singapore bago sumabak sa SEA Games.
Kamakailan ay nanalo sina Biado at Jeffrey Roda sa doubles sa Singapore Open na nilahukan ng mga bigating billiards player galing sa iba’t ibang panig ng mundo.
Si Amit ay beterano sa Shanghai tournament at ang kanyang best showing ay top eight.
“Hindi pa ako nanalo rito. Sana ay magtagumpay ako ngayon bilang puhunan ko sa SEA Games. Naghanda ako nang husto at halos araw-araw akong nag-ensayo,” sabi ni Amit.
Anim na ginto ang nakataya sa 9-Ball kung saan mahigpit na makakalaban ng mga Pinoy ang Vietnam, Indonesia at Singapore.
“Kaya natin sila at determinado ang mga player natin dahil sa atin gagawin ang SEA Games,” sabi ni coach Rodolfo ‘Boy’ Luat.
Ang billiards ay consistent medal producer sa SEA Games at kumpiyansa si Luat na muling mag-uuwi ng karangalan ang kanyang mga player. CLYDE MARIANO
Comments are closed.