MAPANATILI kaya ng mga Pinoy ang kanilang supremacy sa billiards sa Southeast Asian Games tulad ng ginawa nila sa Singapore at Malaysia kung saan namayani sina Dennis Orcollo, Carlo Biado, Rubilyn Amit at Chezka Centeno?
Muli na namang masusubukan ang galing ng mga Pinoy cue artist sa 30th edition ng biennial meet na gaganapin sa bansa sa Nobyembre laban sa mga bigatin sa rehiyon.
Dahil sa Pinas gaganapin ang SEAG, pipilitin ng mga Pinoy, sa pangunguna nina Biado at Orcollo, na muling kunin ang karangalan at bigyan ng kasiyahan ang kanilang mga kababayan.
Sina Biado at Orcollo ay naging Philippine Sportswriters Association Athletes of the Year habang ang Cebuanang si Amit ay itinanghal na Billiards Player of the Year.
Puspusan ang paghahanda ng mga Pinoy sa masusing gabay ni dating world champion Francisco ‘Django’ Bustamante para masiguro ang panalo.
“Regular ang ensayo para paghandaan ang SEA Games. Dalawang bagay ang nakataya, ang bansa at ang kanilang pangalan. Tiyak na at gagawin nila ang lahat para manalo,” sabi ni Bustamante.
Sasali ang mga Pinoy sa international competitions para mahasa nang husto at lumawak ang karanasan.
Umaasa si Billiards and Snooker Congress of the Philippines secretary general Robert Mananquil na muling mangingibabaw ang galing ng mga Pinoy sa billirads.
“Sana ay mapanatili nila ang kanilang supremacy sa SEA Games,” wika ni Mananquil.
“Billiirds is proven achiever. Our players won numerous honors in various international competitions and produced world champions in the like of Efren ‘Bata’ Reyes, Orcollo and Biado. We have to preserve the good image and gain the respect of our counterparts in the region,” ani Mananquil.
Ang pinakamagandang showing ng billiards ay noong 1987 SEA Games sa Indonesia kung saan nagwagi ito ng apat na ginto – tatlo kay Reyes.
Noong 1991 edition na ginawa sa Manila, nakakuha ang billiards ng apat na ginto, tatlo kay Leonardo Andam.
Ang billiards ay kasama sa priority sports ng Philippine Sports Commission (PSC) na pinamumunuan ni William Ramirez. CLYDE MARIANO
Comments are closed.