PINOY ‘DI DAYUHAN ANG DAPAT NA ISKOLAR NG BAYAN

SEN IMEE MARCOS-2

PINATITIGIL ni Senadora Imee Marcos ang komersyalisasyon sa State Colleges and Universities (SUCs) na pinapayagan ang mga foreign student na makakuha ng kaparehong benepisyong nakalaan lang dapat para sa mga Filipinong iskolar ng bayan.

Ayon kay Marcos, dahil sa enrollment quota ay napupunta lang sa mga dayuhang mag-aaral ang dapat sana ay libreng edukasyon sa kolehiyo ng mga pamantasan na para sa mga Filipino, partikular sa napakagastos na kursong medisina.

“Unahin natin ang kapwa natin Pilipino. Gamitin natin ang ating buwis para sa mga Pilipinong gustong maging doktor, lalo sa ganitong mga panahong may pandemya,” ani Marcos.

“Mababalewala ang pagsisikap nating madagdagan ang mga doktor ng bayan at malulustay lang sa mga dayuhan,” dagdag ni Marcos na ibinida ang panukalang batas ng Senado na magpapalawak sa medical scholarship, o ang ‘Doktor Para Sa Bayan’ bill.

Sa pagdinig ng Senate Finance Committee noong Lunes para sa 2021 budget, nanawagan si Marcos sa Commission on Higher Education (CHEd) na magsumite ng listahan ng mga foreign student sa mga SUC sa nakalipas na limang taon.

Nabatid na humihingi ang CHEd ng karagdagang P4.6 bilyon na pondo para madagdagan ang mga iskolar ng gobyerno na mag-aaral ng kursong medisina sa 5,368 kada taon.

Gayundin, aminado si CHEd Chief Prospero De Vera na tali ang kanilang kamay na limitahan ang bilang ng foreign students sa SUCs dahil karapatan ng Board of Regents ng bawat kolehiyo at unibersidad na desisyunan ang pagtanggap sa kanila.

Sa tala ng Bureau of Immigration ay nasa 26,000 ang foreign students sa bansa subalit hindi tukoy kung ilan ang kasalukuyang nag-aaral ng medisina sa walong SUCs kabilang ang Mariano Marcos State University, University of Northern Philippines, Cagayan State University, Bicol University, West Visayas State University, University of the Philippines – School of Health Sciences, University of the Philippines – Manila, at Mindanao State University – Marawi.

Mayroon pang tatlong SUCs ang kasalukuyang pinoproseso ang aplikasyon para magbukas ng kursong medisina – Cebu Normal University, Western Mindanao State Univerity sa Zamboanga City, at University of Southeastern Philippines sa Davao City.

Kaya’ hiniling ni Marcos sa CHEd, SUCs at Bureau of Immigration na agad repasuhin ang kanilang mga panuntunan patungkol sa mga foreign student para masigurong mabibigyang prayoridad ang mga Pilipinong mag-aaral.

Hiningi rin ni Marcos ang kooperasyon ng mga medical student organization na maging alerto at isumbong sa gobyerno kung may mga SUC na pinapaboran ang mga banyagang mag-aaral.VICKY CERVALES

Comments are closed.