MAKARAANG mabigo sa 2016 Brazil Olympics, muling tatangkain ni Pinoy golfer Miguel Tabuena na makapaglaro sa Tokyo Olympics sa susunod na taon.
Subalit bago matupad ni Tabuena ang kanyang pangarap ay kailangan munang malusutan niya ang qualifying kung saan lalabanan niya ang mga kilala at sikat na golfer sa mundo.
“Marami akong natutunan at lumawak ang aking karanasan sa pakikipaglaro sa mga kilalang golfer sa mundo sa Brazil. Gagawin ko ang lahat at gagamitin ko ang lahat ng aking nalalaman para matupad ko ang aking pangarap na makalaro sa Tokyo Olympics,” sabi ni Tabuena.
Ayon sa kanya, unpredictable ang golf at walang nakasisigurong manalo. Sinabi niya na si world top golfer Tiger Woods ay tinalo ng mga hindi gaanong sikat na golfer sa malalaking torneo kaya lahat ay may tsansang manalo.
Hindi alam ni Tabuena ang golf course na paglalaruan ng qualifying dahil maraming golf courses sa Tokyo.
“Wala akong idea sa venue ng qualifying. Kailangang handa ako dahil malalakas ang mga kalaban. I am ranged against top golfers in the world all eyeing to play in Tokyo,” wika ni Tabuena.
Kasama ni Tabuena na makikipagsapalaran sina reigning Asian Games gold medalist Filipino-Japanese Yuka Saso at Dottie Ardina na kamakailan ay naglaro sa Australia matapos ang prestihiyosong Philippine Ladies Open. CLYDE MARIANO
Comments are closed.