LAGUNA – SA kabila ng kinakaharap na mga problema ng maraming evacuees sa kasalukuyan, pinasaya ang mga ito ni alyas “Spidexman” sa lungsod ng San Pablo kamakalawa ng umaga.
Bitbit ni “Spidexman” kasama ang kanyang mga magulang at kaanak ang mga kahon ng pagkain na ipinagkaloob nito sa mga bata at kanilang pamilya sa Central Stadium na pansamantalang ginawang evacuation center ng nasa mahigit na 500 bilang ng mga evacuee.
Isang 36-anyos na binata at kasalukuyang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Afghanistan bilang HR Operations Manager ng Afghan Wireless Communication Company si “Spidexman” kung saan pilit nitong itinago ang kanyang tunay na pangalan at pagkakakilanlan.
Kilala aniya siya sa kanilang lugar sa alias na “Dexter” kaya nagpakilala siyang si “Spidexman”
Layunin lamang aniya nito na makatulong at pasayahin ang mga evacuees partikular ang maraming bata na nasa ilalim pa rin ng matinding trauma at paghihirap bunsod ng naganap na pagsabog ng Bulkang Taal habang suot nito ang damit ng sikat na bida sa pelikula na si Spiderman na matagal ng hinahangaan nito.
Ayon sa kanya, tanging Diyos lamang ang nakaaalam ng lahat hindi na rin aniya kelangan pa siyang makilala, taos at mula sa puso dapat ang pag-tulong.
Huwag din aniyang mawawalan ng pag-asa, kailangan ang pagsasama-sama, pagtutulungan at pagkakaisa ng lahat. DICK GARAY
Comments are closed.