JAPAN – UMAKYAT na sa siyam na katao, na kabilang sa mga Pinoy na inilikas mula sa cruise ship na MV Diamond Princess, sa Japan, ang nakitaan ng Department of Health (DOH) ng sintomas ng respiratory illness.
Ayon sa DOH, nadagdagan pa ng dalawa ang naunang pitong kaso na mino-monitor nila sa ngayon sa mga referral hospitals sa Luzon mula sa karamdaman.
Sinabi ni Health Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire na ang pitong unang kinakitaan ng sintomas ay pawang nag-negatibo naman na sa COVID-19.
Sa ngayon ay hinihintay pa naman ng DOH ang resulta ng pagsusuri sa dalawa pang repatriates na kinakitaan ng sintomas.
Una nang sinabi ng DOH na nakitaan nila ng sore throat at non-productive cough ang ilan sa mga naka-quarantine na Pinoy sa New Clark City (NCC) sa Capas, Tarlac kaya’t kinailangang ipadala sa referral hospitals upang matiyak na hindi sila dinapuan ng COVID-19.
Sa sandaling gumaling ang mga pasyente ay kailangan ding tapusin muna nila ang quarantine sa NCC bago payagang makauwi sa kani-kanilang lalawigan.
Una nang ini-repatriate ng pamahalaan ang may 445 Pinoy na sakay ng MV Diamond Princess, dahil sa banta ng COVID-19 at kaagad na isinailalim sa panibagong quarantine. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.