NABABAHALA si Senadora Imee Marcos na malaking perwisyo ang hinaharap ng mass vaccination program ng pamahalaan kontra sa Covid-19 kapag nagbulag-bulagan sa mataas na bilang ng mga Pinoy na nag-aatubiling magpabakuna.
“Ang dapat unahin ay kumbinsihin ang mga Pinoy na magpabakuna. Gamitin na natin ang panahon na naaantala ang bakuna at himukin ang lahat na magpaturok para sa kalusugan at kaligtasan ng ating mga pamilya at mga kaibigan. Dapat tayong agarang mabakunahan ng alin sa mga aprubado na ng FDA,” ani Marcos.
“Nababalisa ang marami dahil sa posibleng side effects pero minimal at bihira lang naman – ngunit mas mapanganib ang banta ng impeksiyon dahil ito’y nakamamatay. Mabibigo ang kahit anong planong pagbabakuna kung 46% hanggang 47% ng mga Pilipino ang duda o ayaw sa kahit anong Covid vaccine. Masasayang lang ‘yan kung walang masinsinang information campaign na gagawin!” dagdag ni Marcos.
Sinalubong ng mataas na tinatawag na vaccine hesitancy rate ng Filipinas ang pagdating ng unang batch ng Sinovac mula China na nasa 600,000 doses, habang humihingi rin ng iba pang pagpipilian ang mga health worker na may unang prayoridad sa pagbabakuna.
“Maaaring magdulot ng kumplikasyon sa pag-iimbak at pagde-deliver ng bakuna ang pag-aatubili ng marami at magbunga ito ng dagdag gastusin at pagsasayang sa mga bakuna,” ani Marcos.
“Dapat nakakasa na sa buong bansa ang masistemang proseso sa rehistrasyon sa mga nahahandang magpabakuna, kung darating ang bulto ng bakuna sa third at fourth quarter ng taong ito. Magkakaroon ng batayan ang mga logistical requirements sa pagbiyahe, pagde-deliver at pag-iimbak ng mga bakuna sa bawat LGU mula Luzon hanggang Mindanao,” ayon kay Marcos.
“Nagtatanong din ang publiko kung anong mga benepisyo ang kanilang mapapala sakaling magkaproblema sa kanilang kalusugan ang bakuna o may mamatay. Para magkaroon ng positibong reaksiyon ang publiko sa bakuna, dapat linawin ng gobyerno ang sinasabing indemnification policy nito at kung paano gagastusin ang Php500-million badyet para dito,” dagdag pa ni Marcos.
Sinabi rin ni Marcos na kailangan ng pamahalaan ng mas agresibong information campaign na kalahok ang mga kilalang influencer mula sa sektor ng kalusugan maging sa showbiz.
Puwede rin magbigay ng mga insentibo ang nasa pribadong sektor sa kanilang mga empleyado habang nirerespeto pa rin ang kalayaan na magdesisyon kung magpapabakuna o hindi, dagdag ni Marcos.
Binigyang-diin ni Marcos na hindi lang sa Filipinas ang may agam-agam sa pagpapabakuna, halimbawa ay ang mataas na hesitancy rate na 58% sa France, base sa survey. VICKY CERVALES
Comments are closed.