KUNG may dapat abangan ang sambayanan, ito ay ang delegasyon ng table tennis.
Ipinahayag ni Philippine Table Tennis Federation (PTTF) president Ting Ledesma na handa siyang itaya ang kanyang pangalan para makaakit ng sponsors na magtataguyod sa koponan na aniya’y may potensiyal para sa dalawang gold at tatlong bronze medals sa darating na 31st Southeast Asian Games sa Mayo 12-27 sa Hanoi, Vietnam.
“Malaking abonohan ito, pero naniniwala kami na makukuha namin ang gintong medalya sa SEA Games. Iba ang team na ito, malupit, disiplinado at ipaglalaban tayo hanggang saan tayo magpunta. Kulang na lang sa amin ang gintong medalya. Ito na ‘yun, dito meron tayong patutunguhan,” pahayag ni Ledesma, dating national player at coach, sa virtual forum nitong Huwebes via Zoom ng Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’.
Isasabak ng PTTF ang 10 Pinoy table netters sa SEA Games para sa men’s at women’s doubles, mixed doubles at team competition, ngunit tatlong players lamang – Richard Gonzales, John Nayre at John Misal – ang aprubado ng Philippine Olympic Committee (POC) para gastusan ng Philippine Sports Commission (PSC).
“Si Richard (Gonzales) bronze medalist sa men’s singles last SEAG, si John (Nayre) Youth Olympian at si John (Misal) maganda ang record sa international competition kasi sila ‘yung approved ng POC. Naintindihan namin na limitado ang budget ng PSC ngayon, pero ipinaglaban namin ‘yung pito (limang babae at 2 lalaki) dahil tiwala kami na makakaya nilang manalo, kaya pasalamat kami at pumayag naman ang POC at PSC,” sambit ni Ledesma.
Kabilang sa ‘have money, will travel’ scheme ng POC ang buong women’s team na sina top rank Kheith Rhynne Cruz, No.2 Angel Joyce Laude, No.3 Emy Rose Dael, No.4 Jannah Romero, at No.5 Sheryl Mae Otanez, gayundin sina John Michael Castro at Japeth Adaza.
“Hindi na tayo magpapadaig sa Singaporean at sa host team. Buo ang tiwala namin sa team. The Philippine team will show them what they have now. Kaya ngayon pa lang nagpapasalamat na kami sa magiging sponsors ng team,” pahayag ni Ledesma sa sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission, Games and Amusements Board at PAGCOR.
Ayon kay Ledesma, wala namang nadaramang ‘pressure’ ang mga atleta, bagkus ay tinatanggap nila ang hamon para higit silang magpursige at magtiyaga sa pagsasanay.
“Malaki pong opportunity sa akin ang pagkakasama ko sa National Team. Bata pa lang po ako pangarap ko na ito. Dream ko na matularan si Ate Yanyan. ‘Yung mga narating niya, pipilitin ko rin pong mapagtagumpayan,” pahayag ni Cruz, patungkol sa kanyang idolo, ang namayapang Olympian na si Ian Lariba.
Sa edad na 15, si Cruz, nahasa sa mahabang panahong pagsasanay sa China bilang bahagi ng education-training camp ng Table Tennis Association for National Development (TATAND), ang pinakabatang player sa koponan at sa Philippine delegation na isasabak sa SEA Games.
“‘Yung attack style ko po talagang pinagbuti ko para ma-counter ko ‘yung mga kalaban. Kaya pipilitin kong masuklian ‘yung tiwala ng PTTF sa akin,” sambit ni Cruz, kilala rin sa kanyang Chinese name na ‘Yingying’
Buo rin ang tiwala ng kapwa La Salle standout na si Laude at ang pinakabeterana sa grupo na si Dael sa kahandaan ng koponan na sumailalim sa ‘bubble training’ mula pa nitong Nobyembre 2020.
“Balanse ‘yung studies and training namin. On my part, naka-graduate na ko last year kaya focus talaga sa training. Last SEA Games, ilang points lang ang layo namin for bronze medal, kaya this time kukunin namin ito,” sabi ni Dael, four-time UAAP champion at 2018 UAAP Most Valuable Player.
Para sa mas masinsin pang pagsasanay, ipinahayag ni Ledesma na inimbitahan nila ang dalawang high-rank player ng India at coach ng Pakistan para samahan sila sa ‘bubble’ training mula Marso 1 hanggang Abril 30. EDWIN ROLLON