PINOY NA KASABWAT NG CHINESE KIDNAPPERS TUKOY NA NG PNP

INIHAYAG ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson Col. Jean Fajardo na mayroong mga Pinoy na kasabwat ang apat na dayuhang kidnappers na dumukot at pumatay sa negosyanteng si Mario Sy Uy.

Sa panayam ng PNP Press Corps kay Fajardo, sinabi nitong hawak na ng PNP-Anti-Kidnapping Group ang pagkakakilanlan ng mga kasabwat ng apat na dayuhang kidnapper na sina Bei Huimi, Jielong Shen, Sun XiaoHui at Vietnamese Hong Puc Le.

“May pangalan na hawak na ang PNP-AKG at iyan po ang tinutunton po nila at umaasa kami na in the coming days ay maaaresto na ang ilan sa kanilang kasabwat,” ayon kay Fajardo.

Magugunitang si Uy ay dinukot noong Marso 18 at humingi ng ransom.

Batay sa record, nakapagpadala ng halos P1 milyon ang pamilya ni Uy sa pamamagitan ng dalawang bank deposit at mobile wallet app.

Bagaman nagbigay ng ransom ang kaanak ay pinatay pa rin ang biktima at natagpuan ang kanyang labi sa isang parke sa Tanza, Cavite noong Marso 22.

Samantala, kabilang sa iniimbestigahan ay kung bago ang grupo dahil sa pamamaraan nito ng paghingi ng ransom na madaling ma-trace.

Sinabi pa ni Fajardo na kanilang bina-validate ang pangalang hawak at puspusan ang pakikipag-ugnayan nila sa Filipino Chinese community.

Kabilang din sa iimbestigahan kung ang grupo ng kidnapper ni Uy ay mayroon pang ibang dayuhang sangkot.
Diin ni Fajardo, lahat ng mga impormasyon at resulta ng imbestigasyon ay kanilang pag-aaralan upang matukoy ang kidnapping syndicate at matuldukan na ito.
EUNICE CELARIO