NABAWASAN ang mga Pinoy na nakikipag-usap sa pamamagitan ng text messaging dahil karamihan sa cellphone users sa bansa ay lumipat na sa online chats at mes¬ senger apps, ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT).
Sinabi ni DICT Acting Secretary Eliseo Rio na bumaba ng 40 percent ang text messaging sa nakalipas na tatlong taon, kung saan kaparehong porsiyento ng mobile phone users ang lumipat sa online messaging noong 2016.
Ito ay kasunod ng pagkakaroon ng 4G LTE services sa bansa, na nagbibigay ng mas mahusay na chat connectivity.
“Sa SMS (short message service), you can only contact point-to-point, person-to-person, pero dito sa social media you can actually broadcast yourself,” ani Rio.
Dagdag pa ng DICT chief, ang internet at social media ang pinakamura at pinakamadaling paraan para maabot ang mga tao
Batay sa pag-aaral, ang mga Pinoy ang top internet at social media users sa mundo sa kabila ng pagkakaroon ng isa sa pinakamabagal na internet speeds.
Sa Digital 2019: Global Digital Overview report ng creative agency We Are Social at ng social media management platform Hootsuite, ang mga Pinoy ay gumugugol ng average na 10 oras at 2 minuto sa internet anumang device.
Ito ay sa kabila na ang internet speed ranking ng bansa ay pinakamabagal sa 15 Asia-Pacific countries at ika-108 sa mundo, ayon sa isang pag-aaral noong 2017.
Ayon kay Rio, ang kasalukuyang average internet speed sa Filipinas ay nasa 10 mbps.
Comments are closed.