PINOY NA NAILIKAS SA CRUISE SHIP NEGATIBO SA COVID-19

Maria Rosario Vergeire

KINUMPIRMA ng Department of Health (DOH) na umabot na sa pito ang bilang ng mga Pinoy na inilikas mula sa COVID-19-hit cruise ship na MV Diamond Princess, na nakitaan ng mga sintomas ng respiratory illness.

Ayon kay Health Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire, lumabas na rin naman ang resulta ng pagsusuri sa apat sa kanila, na pawang nag-negatibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) habang hinihintay pa ang test results ng tatlong iba pa.

“Nagkaroon na po tayo ng karagdagang repatriates na nagkaroon ng sintomas. Ang total po ng repatriates 7,  4 ang negatibo na resulta, mayroon pa po tayong hinihintay na 3,” ani Vergeire sa isang panayam.

Aniya, inaasahan naman na mailalabas na rin ang resulta ng pagsusuring isinagawa sa mga ito ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) hanggang ngayong Linggo.

Nabatid na anim sa may 445 repatriates na kasalukuyang naka-quarantine sa New Clark City sa Capas, Tarlac ay nagkaroon ng sore throat habang isa ang nagkaroon ng ubo, na kabilang sa sintomas ng COVID-19, kaya’t minabuti ng DOH na dalhin sila at suriin sa referral hospitals sa Central Luzon.

Binigyang-diin pa na kahit negatibo sa virus ay nananatiling naka-confine sa referral hospitals ang mga ito hanggang sa tuluyang gumaling.

Kinakailangan rin umano nilang tapusin ang 14-day quarantine nila sa NCC.

“Mina-manage pa rin kasi ang kanilang nararamdaman. Pero once na wala na silang sintomas ay ibabalik na sila sa kanilang mga kuwarto sa New Clark City,” ani Vergeire.

Tiniyak din naman ni Vergeire na pawang nasa maayos na kondisyon ang naturang pitong Pinoy repatriates. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.