MONG KOK – ISANG Filipino ang inaresto sa Hong Kong makaraang magsuot ng itim na T-shirt at napagkamalang sumama sa kilos-protesta para sa democratic reforms sa nasabing Chinese territory.
Kinumpirma ni Germinia Aguilar-Usudan, deputy Philippine consul general sa Hong Kong, ang pagdakip sa Pinoy na humiling na huwag na siyang pangalanan sa pangambang makasama ang insidente sa ina niyang maysakit.
Alas-11 ng gabi noong Sabado ay inaresto ang Filipino na nakasuot ng itim na T-shirt sa Mong Kok at ngayon ay inaasistehan na ng dalawang pro-bono Hong Kong lawyers.
Ayon pa kay Usudan, pauwi na ang Pinoy at bumili muna ng pagkain nang dakpin ng mga pulis dahil sa suot nito, subalit hindi naman ito sumama sa rally.
Nilinaw naman ng diplomat na wala pang kasong isinampa sa Pinoy at naghihintay pa ng imbestigasyon at inaasahang kagabi (Agosto 4 ng gabi) ay napalaya na rin ito.
Samantala, sinabi ni Eman Villanueva, secretary-general ng Bayan Muna Hong Kong, ang pag-aresto ay isang mistaken identity habang ito rin ang kauna-unahang insidente ng paghuli sa Filipino sa nasabing Chinese special administrative region mula nang magsimula ang kaguluhan noong Hunyo. EUNICE C.
Comments are closed.