TUMAAS ng 27% ang Filipino nurses na kumukuha ng National Council Licensure Examination o NCLEX, ang US licensure examination ng registered nurses at practical nurses na nagnanais makapagtrabaho sa Amerika.
Ayon kay ACTS-OFW Partylist Rep. John Bertiz, aabot sa 4,533 na Filipino nurses ang kumuha sa unang pagkakataon ng NCLEX mula Enero hanggang Hunyo ng 2018.
Ito ay mas mataas kumpara sa 3,572 Filipino nurses na kumuha ng eligibility test ng Amerika sa kaparehong buwan din ng nakaraang taon.
Mula 1995 hanggang 2018, aabot sa 1181, 344 Filipino nurses ang first-time na kumuha ng exam at agad na nakapasa rito.
Bukod sa Pinoy nurses, mayroong 500 Indians, 444 Puerto Ricans, 392 South Koreans at 242 Nigerians ang kumuha din ng NCLEX mula Enero hanggang Hunyo.
Batay sa US Bureau of Labor Statistics, aabot sa $70,000 kada taon o katumbas ng P3.7 million ang sahod ng mga natatanggap na registered nurses sa Estados Unidos o $33.65 o P1,783.45 kada oras.
Maliban sa malaking sahod, ang malawak na labor market at kompetisyon ang ilan din sa mga dahilan ng pagtaas ng bilang ng oportunidad para sa mga nurse.
Mahigpit namang kakompetensiya ng Filipinas ang mga bansa sa Jamaica, Canada at Cuba pagdating sa US nursing labor market. CONDE BATAC