PINOY NURSES SA US BUMUHOS

Nurses

ANG bilang ng Philippine-educated nurses na kumuha ng US licensure exam sa unang pagkakataon noong 2022 ang pinakamataas sa loob ng 14 taon.

Ayon kay Quezon City Rep. Marvin Rillo, vice chairperson ng House committee on higher and technical education, may kabuuang 18,617 nursing graduates mula sa Pilipinas ang kumuha ng US licensure examination sa unang pagkakataon noong 2022, sa pag-asang ma-practice ang kanilang profession sa America.

“In 2022, we had the highest number of Philippine-educated nurses taking the NCLEX in 14 years, in terms of first-time takers,” sabi ni Rillo, tinukoy ang numero mula sa US National Council of State Boards of Nursing Inc. (USNCSBN).

Ang USNCSBN ang nagkakaloob ng National Council Licensure Examination o NCLEX para sa registered nurses sa America.

Ang 18,617 ay mas mataas ng 90 percent kumpara sa 9,788 Filipino nursing graduates na kumuha ng NCLEX sa unang pagkakataon noong 2021.

“The number of Philippine nursing graduates taking the NCLEX for the first time is a reliable indicator as to how many of them are eagerly looking for employment in America,” ani Rillo.

Dahil dito ay muling nanawagan si Rillo Kongreso na taasan ang sahod ng Filipino nurses sa public hospitals upang hindi na sila umalis sa bansa.

Iginiit ni Rillo ang pag-apruba sa House Bill No. 5276, na naglalayong taasan ng 75 percent – mula P36,619 sa P63,997 – ang lowest base ng mga nurse sa government hospitals.

Sa panukala ni Rillo, ang minimum base pay ng mga nurse sa public health institutions ay tataasan ng anim na notches sa Salary Grade 21 na itinatakda sa ilalim ng Salary Standardization Law of 2019.

PNA