PINOY PADDLERS HUMAKOT NG 5 GOLDS

PINOY PADDLERS-2

NATAMO ng Filipinas ang makasaysayang tagumpay sa pandaigdigang entablado nang humakot ng limang gold medals upang kunin ang overall title sa 2018 ICF World Dragon Boat Championships.

Tinapos ng national paddlers mula sa Philippine Canoe Kayak Dragon Boat Federation ang kanilang kampanya sa Gainesville, Georgia sa pamamagitan ng panalo sa 10-seater senior men’s 200-meter race, upang mahigitan ang pinakamatikas na pagtatapos ng bansa, anim na taon na ang nakalilipas.

Naorasan ang mga Pinoy ng 47.39 seconds, malayo sa Italy (49.58) at Hungary (49.87) sa kanilang final race ng four-day competition sa Lake Lanier Olympic Park.

Tinapos ng Filipinas ang torneo na may limang gold medals at dalawang  silvers, mas marami sa kanilang five-gold, one-silver haul  na natamo sa 2012 edition ng World Championships sa Milan, Italy.

“I was part of that team that did it in Italy,” wika ni coach Diomedes Manalo. “I knew these kids are special, so I’m not surprised when they beat the previous record.”

Nakatuwang nina veterans Mark Jhon Frias, Hermie Macaranas at Ojay Fuentes sina John Lester Delos Santos, Oliver Manaig, Reymart Nevado, Lee Robin Santos, Jordan De Guia, Roger Masbate at John Paul Selencio sa pagsungkit ng ginto, gayundin sina drummer Patricia Bustamante at steersman Maribeth Caranto.

Ang lahat ng paddlers ay maluha-luha nang itaas ang ­Philippine flag at patugtugin ang pambansang awit sa ika-5 at ­huling pagkakataon sa awarding ceremony.

“All the hard work paid off. This is for our country,” ani head coach Len Escollante.

Bukod sa 10-seater at 20-seater senior mixed 200m races, ang mga Pinoy ay nanalo rin ng gold sa small boat at big boat ng senior mixed 500m.

Nagkasya sila sa silver medals sa big boat senior mixed 2000m at small boat men’s 500m.

Comments are closed.