MULING itataya ng mga Pinoy ang kanilang husay sa pagsagwan laban sa mga bigating katunggali kung saan lalaruin ang dragon boat bilang demonstration sport sa 2020 Tokyo Olympics.
Pinayagang laruin ang dragon boat bilang demonstration sport sa quadrennial meet sa matiyagang pag-lobby ng mga namumuno sa iba’t ibang Dragon Boat Associations sa mundo, kasama sina Asian Dragon Boat Federation chief Toshiko Narita ng Japan at Philippine Dragon Boat/Canoe Kayak president Jonne Go.
Kamakailan ay nagpulong ang mga dragon boat leader sa Canada upang masusing talakayin ang pagkakasama ng sport sa 2020 Tokyo Olympics.
Sinabi ni Go na sasabak ang mga Pinoy sa iba’t ibang torneo bilang paghahanda sa Tokyo Olympics at umaasa siyang mag-uuwi ang mga ito ng medalya.
“Though dragon boat is a demonstration sport, it will give our athletes the chance to showcase their talents and experience against the best paddlers in the world,” wika ni Go. CLYDE MARIANO