UMALIS si pole vault specialist Ernest John Obiena patungong Italy para ipagpatuloy ang pagsasanay sa masusing gabay ni Ukrainian coach Vitaly Petrov bilang paghahanda sa Southeast Asian Games at sa Thailand Open kung saan siya ang reigning champion.
Ang training ni Obiena ay gagawin sa lalawigan ng Fornia at tatagal hanggang Agosto bago ang SEA Games na gaganapin sa bansa at ang Thailand Open kung saan muli niyang itataya ang kanyang korona laban sa mga bigatin sa rehiyon, sa pangunguna ng kanyang mortal na karibal na si Thai Puranot Purahong.
Bukod sa SEA Games at Thailand Open na idaraos sa Thammassat University track oval, sasabak din si Obiena sa Chinese Taipei Open kung saan target niyang higitan ang pilak na huli niyang napanalunan makaraang matalo kay Seito Yamamoto.
“I am determined to retain my title. I do not want to disappoint my kababayan who will be watching me. My training in Italy will bolster my title retention bid,” sabi ng 22-anyos na Asian Games campaigner at anak ni dating SEA Games at World Masters pole vault medalist Emerson Obiena.
Ang matandang Obiena ang nagsisilbing personal coach ni Ernest John kapag nasa Pinas.
Hindi lang sa SEA Games nakasentro ang training ni Obiena, kundi maging sa Asian Games at 2020 Tokyo Olympics kung saan hangad niya na maging unang Pinoy pole vaulter na sumabak sa Olympic Games.
“Obiena is our bet in pole vault. Hopefully, he will live up to expectation and reaffirm his supremacy in the region,” sabi ni PATAFA president Philip E. Juico.
Hawak ni Obiena ang personal best 5.61 meters sa SEA Games. Binura niya ang dati niyang record na 5.30 meters na naitala sa Chinese Taipei Open Athletics.
Kasama ni Obiena sa training ang isang Brazilian na naghahanda para sa Pan American Athletics.
Kinuha ni Juico si Italian strength conditioning coach Carlo Bertuzzichilli katuwang si American coach Roshean Griffin para hasain at palakasin ang mga Pinoy.
Bukod kay Obiena, kasama sa team ang tatlong Filipino-Americans na sina Brazil Olympian at World Athletics veteran Eric Shawn Cray, Trenten Beram at Kristina Knott, at local talents Marco Vilog, Harry Mark Diones, Aries Toledo, Francis Medina, Jomar Udtohan, Emmuel Camino, Edgardo Alejan, Archand Christian Bagsit, Ma. Patrick Unso, Joan Caedo, Janry Ubas, Clinton Kingsley Bautista at Riezel Buenaventura.
Si Toledo, tubong Nueva Ecija, ang reigning champion sa decathlon at si Diones, tubong Bicol, ang champion naman sa triple jump sa SEA Games.
Si Obiena ay kasama sa priority athletes ng Philippine Sports Commission (PSC) na pinamumunuan ni Chairman William Ramirez. CLYDE MARIANO