CAGAYAN – INILUNSAD ng National Meat Inspection Service (NMIS) Region-2 na may temang “Pinoy Pork Safe’’ kasabay ng pagdiriwang ng Meat Safety Consciousness Week, bilang patunay na ligtas kumain ng karneng baboy ang mamamayan sa buong rehiyon.
Layunin ng pamunuan ng NMIS-Region 2 na pinamamahalaan ni Regional Director Ronnie Ernes Duque na kumbinsihin at bigyan ng kaalaman ang publiko na hindi dapat matakot na kumain ng karne ng baboy sa harap ng African Swine Fever (ASF) sapagkat nananatiling ligtas na kumain ng karne ng baboy dahil sa walang krisis ang pagbababuyan at walang ASF sa nasabing rehiyon.
Hinimok ni Duque ang mamimili na magtiwala sa mga kinauukulan kasabay ng pagtitiyak na ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang hindi maapektuhan ng naturang krisis ang pagbababuyan rehiyon.
Patuloy pa rin ang DA at Bureau of Animal Industry sa implementasyon ng check points sa mga nagbibiyahe ng baboy palabas at papasok ng Region 2.
Samantala, ang selebrasyon ng Meat Safety Consciousness Week ay nagsimula noong Oktubre 14 na magtatagal hanggang Oktubre 18 upang maipabatid ang responsibilidad ng NMIS na tiyaking ligtas ang kinokonsumong karne ng mamamayan bilang pagtalima sa R.A. 10611 o ang Food Safety Act of 2013.
Ang taunang selebrasyon ay alinsunod sa Presidential Proclamation No. 276 na nilagdaan ni dating Pangulong Fidel V. Ramos na nag-aatas sa NMIS na pangunahan taon-taon ang paggunita nito at magsagawa ng mga aktibidad na may kaugnayan sa pagkain ng ligtas at malinis na karne. IRENE GONZALES