PINOY POWERLIFTER NAGHAHANAP NG ‘GODFATHER’ PARA SA WORLD GAMES

MULING nagsasagawa ng fund-raising si multi-titled powerlifter Joyce Gail Reboton at anumang halaga na maibibigay ay makatutulong sa katuparan ng kanyang pangarap na makipagtipan sa kasaysayan bilang kauna-unahang Pinoy na makalalaro sa World Games na nakatakda sa Hulyo 7-17 sa Birmingham, Alabama, USA.

“Nakakahiya man po pero muli humihingi kami ng tulong at suporta sa may magandang loob at powerlifting enthusiasts para po makasali po ako sa World Games. Ito na po ang pinakamalaking tournament sa sport ko at nakapanghihinayang kung hindi po ako makakasali,” panawagan ng 25-anyos na si Reboton sa Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes via Zoom na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Games and Amusements Board (GAB) at PAGCOR.

Nagawang magkuwalipika ni Reboton, No.1 powerlifter sa bansa, sa SEA region at sa Asia, nang magwagi ng silver at bronze medal sa 2021 World Classic Powerlifting Championship sa Sweden.

Ayon kay Reboton, nakalahok siya sa naturang torneo dahil din sa fund-raising na ginawa ng kanyang trainer/coach na si Willord Capulong sa GoGetFunding.com.

“Mahigit P100,000 din  po ang natanggap namin kaya nakasali ako sa Sweden. Talagang pinagbuti ko para matumbasan ang tulong ng aking mga kababayan,” sabi ni Reboton, nakapagtala rin ng kasaysayan bilang unang Pinay na nagwagi ng gintong medalya sa Asia Classic Powerlifting sa Turkey nitong Oktubre sa record 240ks. sa squat para sa kabuuang bigat na 567.5 kgs. sa Open (Seniors) category.

Para makasali sa World Games, kailangan ni Reboton ang P253,640 para sa plane ticket, insurance at visa fee. Aniya, ang accommodation ay sagot ng host University of Alabama, habang ang administration fee ay libre rin mula naman sa organizer na International Powerlifting Federation (IPF).

Sa kasalukuyan, mula nang simulan ang kanilang online fund-raising, nakalikom pa lamang ang Team Reboton ng P19,500.

“Masakit man, pero ang katotohanan na mahirap talagang makakuha ng sponsors ang sport namin dahil kumpara sa weightlifting, hindi ito masyadong kilala. Hopefully, at iyan po ang layunin ko na maipakilala ang powerlifting sa Pilipino at mapatunayan sa mundo na may K tayong lumaban sa World Games,” ani Reboton.

“With years of consistent high-quality training, Joyce climbed the ladder to become the #1 ranked powerlifter in the country and the region. She won multiple Best Lifter Awards after dominating the 2021 Asian Classic & Equipped Powerlifting Championships. The World Games (TWG) happens only every four years,” pahayag naman ni Capulong.

Ang Philippine Powerlifting Association ay hindi pa kabilang sa regular sports sa SEA Games, Asian Games at Olympics at kasalukuyang ‘associate member’ sa Philippine Olympic Committee (POC).

“Actually po, lumapit na rin kami sa PSC pero dahil sa pandemic, limited din ang budget nila kaya nauunawaan din namin kasi hindi pa kami regular sport sa POC. Hopefully, kahit sa tax exemption lang makahingi kami ng support,” pahayag ni Reboton.

Para sa nagnanais na makibahagi sa makasaysayang laban ni Reboton, puwedeng ipadala ang donasyon sa GCash: Joyce Gail Reboton (09399154511) at Willord Capulong (09175900692) o sa BPI Savings Account (Angeles-Balibago Branch), Account Name: Willord Talicol Capulong Account Number: (8739330689). EDWIN ROLLON