MAPAPALABAN si Pinoy rider Rex Luis Krog sa mga bigating katunggali sa World Cycling Championship sa Setyembre sa Vienna, Austria.
Tutungo ang 17-anyos na Filipino-German na nagmula sa San Antonio, Nueva Ecija sa Vienna na mataas ang morale matapos ang silver medal finish sa Asian Junior Cycling na idinaos sa Myanmar at nilahukan ng may 48 riders buhat sa 18 bansa, kasama ang Japan, China, South Korea at Kazakhstan.
Inamin ni Krog na mabigat ang kanyang laban dahil world class ang kompetisyon, subalit buo ang kanyang loob at nakahandang makipagsabayan upang maiuwi ang karangalan.
Ang paglahok ni Krog ay suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) na pinamumunuan ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez at ng Integrated Cycling Federation of the Philippines na pinangangasiwaan ni Cavite Rep. Abraham ‘Bambol’ Tolentino.
Aminado si coach Ednalyn Calitis Hualda na mabigat ang laban ni Krog at dadaan siya sa butas ng karayom bago makuha ang tagumpay.
“Krog is facing great odds in his quest for glory and respect. He has to work hard and utilize all his cycling prowess to win,” sabi ni Hualda.
Nakatakdang sumabak si Krog sa ibang kompetisyon sa labas ng bansa, kasama ang Australia, bago pumunta sa Vienna.
“We will give him enough foreign exposures to harness his skill and broaden his experience against his rivals,” wika ni Hualda.
Si Krog ang unang Pinoy na nanalo sa Asian Junior Cycling competition.
Kinuha ni Krog ang pilak sa oras na 2:33.49 sa layong 106 kilometers. CLYDE MARIANO
Comments are closed.