(Ni Kat Mondres)
MARAMING lutuin o putahe ang hindi nawawala sa kahit na anong handaan. Laging naroon, malaki man o maliit lang ang okasyon. Minsan nga, hindi na kailangang magkaroon pa ng okasyon para lamang makapaghanda ng masasarap na putahe.
Nais nga naman nating maging espesyal at katuwa-tuwa ang bawat handaan kaya’t espesyal din ang mga putaheng ating inihahanda. Marami naman tayong puwedeng lutuin na maiibigan ng bawat pamilya.
Hindi rin naman kailangang mahal ang mga sangkap na ating lulutuin para lang masabing magiging espesyal ang pagdiriwang ng Pasko. Maraming simpleng lutuin na nagiging espesyal lalo na kung kompleto ang buong pamilya. Gaya na nga lang ng Pinoy Roast Chicken.
Ang lechon manok ay isa sa mga pinakapatok na inihahanda kapag Pasko. Para sa iba, hindi kompleto ang mga pagkain sa hapagkainan kapag walang lechon manok. Ito ay madali lang gawin at makadaragdag ng saya sa inyong Pasko.
Simpleng-simple lang ang paggawa ng Pinoy Roast Chicken. Ang mga sangkap na kakailanganin natin sa paggawa nito ay ang:
1 buong manok
1 tinadtad na sibuyas
15 tinadtad na bawang
1/4 na baso ng cup fish sauce o patis
4 kutsara ng calamansi juice
1 kutsarita ng asin
1 kutsarita ng paminta
1/2 kutsarita ng brown sugar
6-8 lemongrass bulbs
3 bay leaves
1 kutsara ng cooking oil o mantika
Paraan ng Pagluluto:
Linisin ang lugar na paggagawaan. Pagkatapos ay ihanda ang lahat ng mga kakailanganing sangkap.
Hugasan ang manok at patuyuin pagkatapos. Pahiran ng tinadtad na bawang, sibuyas, asin, paminta, asukal, calamansi juice at patis ang buong manok hanggang sa loob nito. Hayaan itong i-marinade sa ref sa loob ng 4 na oras.
Pagkatapos itong i-marinade ay painitin ang oven ng 200°C. Kunin ang manok sa loob ng ref at ipasok ang bay leaves at lemongrass bulbs sa loob ng manok.
Ilagay ang manok sa oven sa loob ng 1-1 1/2 oras depende sa laki ng manok. Idagdag ang mantika sa natirang marinade sauce at pahiran ulit ang manok ng sauce ng ilang beses.
Tingnang mabuti ang pecho at paa ng manok kapag wala nang natirang juice sa loob nito. Hayaan muna ito sa loob ng 15 minuto bago ihanda.
Ang Lechon Manok ay isa mga sa pinakapaboritong pagkain ng mga Pinoy. Ito ay simpleng gawin pero nangangailangan ng mahabang oras bago ihanda. Pero kapag natikman ay siguradong hindi lamang merry ang Christmas ng pamilya kundi busog pa pati ang tiyan nila sa niluto mong lechon manok.
Kapag walang kalamansi ay puwede ring gamitin ang lemon kapalit nito. Masarap nga naman ito at maiibigan ng kahit na sino. (Google photos)
Comments are closed.