Pinoy rower Nievarez pasok sa Tokyo Olympics

KAKATAWANIN ni Filipino rower Cris Nievarez ang Filipinas sa nalalapit na Tokyo Olympics.

Inanunsiyo ng  Philippine Rowing Association na nakatanggap ito ng kumpirmasyon mula sa World Rowing Federation na nakapasok si Nievarez sa final cut sa men’s single sculls ng Games.

Si Nievarez ay tumapos sa ika-5 puwesto sa semifinals ng  men’s single sculls noong Biyernes at hindi nakaabante sa finals ng Asia Oceania Continental Qualification Regatta, kung saan ang top 5 ay makakakuha ng Olympic berths.

Sa huli, ang 2019 SEA Games gold medalist  ay nagtapos sa 9th spot sa overall rankings ng kanyang class, subalit umangat sa puwesto dahil ang ilang rowers na nauna sa kanya ay nagkuwalipika na para sa ibang events kaya naman nakakuha siya ng tiket sa Olympics.

Gaganapin ang Tokyo Olympics rowing competition sa July 23-July 30 sa Sea Forest Waterway.

Si Nievarez ang ika-8 Filipino athlete na nagkuwalipika sa Tokyo Games, matapos nina 2016 Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz, pole vaulter EJ Obiena, gymnast Carlos Yulo, at boxers Eumir Marcial, Irish Magno, Carlo Paalam, at  2019 AIBA Women’s world champion Nesthy Petecio.

Ang 20-anyos na si Nievarez ang unang Filipino rower na lalahok sa Summer Games matapos ni Benjie Tolentino sa  2000 Sydney Olympics.

Comments are closed.