PINOY SA SINGAPORE POSITIVE SA COVID-19

Brigido Dulay

ISANG Filipino ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Singapore, anunsiyo ng isang DFA official kahapon.

Inihayag ni  Foreign Affairs Undersecretary Brigido Dulay  na base sa  ulat ng Philippine Embassy sa Singapore,  ang nasabing Pinoy ay  kasalukuyang naka-isolate sa National Centre for Infectious Diseases.

“This is [the] first confirmed case involving a Filipino in Singapore,” pahayag ni Dulay.

Ayon pa sa  undersecretary, nakikipag-ugnayan ang  Philippine Embassy sa Singapore sa   mga health official upang masusing masubaybayan ang  kalagayan ng  hindi pinangalanang Pinoy.

Nasa kabuuang 89  katao na sa Singapore  ang nasuring positibo sa virus.

PUIs SA COVID LUMOBO PA

DALAWANG  kaso ang nadagdag  sa ‘patients under investigation’ (PUI) na posibleng apektado ng coronavirus disease (COVID-19).

Sa huling tala ng Department of Health (DOH) hanggang kahapon, Pebrero 23, umabot na sa kabuuang 608 ang PUIs sa buong bansa, 131 sa mga ito ay  nananatiling naka-confine sa ospital habang 474 PUIs na  ang nakalabas na ng ospital.

Pinakamarami pa ring naitalang PUIs sa National Capital Region (NCR).

Nananatili pa rin sa tatlo ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Samantala,  nanawagan naman  ang Philippine Consulate General sa Milan na maging maingat laban sa kumakalat na  COVID-19.

Kasunod ito ng  ulat na  patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Northern Italy.

Giit  ng konsulado ay sumunod sa mga  panuntunan na inilabas ng World Health Organization (WHO) para maiwasan ang nasabing sakit kabilang na rito ang   madalas na paghuhugas ng mga kamay gamit ang tubig at sabon,  o gumamit ng alcohol o sanitizer.

Kapag uubo o babahing ay magtakip ng bibig at ilong gamit ang tissue at itapon agad sa saradong basurahan ganoon din ang pagpapanatili  ng  hindi bababa sa isang metrong layo sa isang tao lalo na sa mga mayroong ubo, sipon at lagnat.

Pinaiiwas din na   hawakan ang mga mata, i­long at bibig kapag hindi pa nalilinis ang kamay.

Sakaling makaranas ng sintomas ng virus ay ipinayong  agad  na magpakonsulta sa doktor para hindi makahawa sa iba.

Comments are closed.