PINOY SA SOUTH KOREA NANATILING KALMADO

TINIYAK ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Miyerkoles na nasa mabuting kalagayan ang mga Pilipino sa South Korea.

Nanatiling kalmado ang mga Pinoy sa naturang bansa nang pansamantalang ideklara ni South Korean President Yoon Suk Yeolang batas militar Martes ng gabi bago ito tinanggal kinabukasan kasunod ng malawakang protesta.

Ang deklarasyon ng batas militar ng Sokor ay makaraang akusahan niya ang oposisyon bilang mga pwersang kontra-estado at sinabing siya ay kumikilos upang protektahan ang bansa mula sa mga pagbabanta na dulot ng Hilaga.

Alam nila ‘yung peculiar na conditions doon dahil sa alitan nila (South Korea) with North Korea,” pahayag pa ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega.

Samantala, agad na bumagsak ang South Korean won kasunod ng biglaang pagdedeklara ng emergency martial law.

Ang SoKor currency ay katumbas na ng 0.00071 dollar. Ibig sabihin, ang isang US Dollar ay kapalit ng 1,441 South Korean won.

Bago ito, ang isang US dollar ay katumbas pa ng 1,402.9 ngunit agad bumagsak ang naturang currency kasunod na rin ng mga kaguluhan.

Pinag-aaralan na ng financial authorities ng SoKor ang posibilidad ng pagsasara sa mga stock market dahil sa inaasahan pang pagbaba ng halaga ng won.

Maraming financial authorities na ang nagbabantay sa susunod pang mga kaganapan upang makagawa ng akmang tugon, sakaling lumala pa ang tensyon sa SoKor.

ALIH PEREZ