PINURI ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula si Sebastian Esai Eco Eviota na ikalawang Pilipino na nagbibigay proteksyon o miyembro swiss guard ng Santo Papa sa Vatican.
“Truly, wherever there are Filipinos, the Church is so much vibrant there; ang paglilingkod ni Sebastian ay patunay ng malawak na gawaing misyonero ng mga Pilipino sa simbahan,” pahayag ni Cardinal Advincula sa Radio Veritas
Bago napabilang si Eviota sa Swiss Guards ay aktibo na ito sa mga gawaing simbahan sa Pilipinas hanggang lumipat sa Switzerland noong 2009 at naging bahagi sa Youth for Christ.
Tinukoy tin ni Cardinal Advincula ang isa pang Swiss-Filipino Vincent Luthi na unang napabilang sa Swiss Guards kung saan ang ina ay tubong Cebu.
Batid ng cardinal ang sakripisyo ng mga Pilipinong nangingibang bansa para sa pamilya at kinilala ang tungkuling tagapaglaganap ng mabuting balita sa bawat komunidad na kinabibilangan.
“Hindi lang sila naghahanapbuhay, ang mga kababayan ang mga makabagong misyonero sa ibayong dagat,” ani ng cardinal.
Si Eviota at Luthi ay patunay na nanatiling aktibo ang mga Pilipino sa pagmimisyon sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.
Ginanap ang pagtalaga sa 23 Swiss Guards noong Mayo 6, 2023 sa Courtyard of Saint Damasus sa Vatican kasabay ng paggunita sa kabayanihan ng 147 Swiss Guards na nasawi sa pagtatanggol kay Pope Clement VII noong Sack of Rome taong 1527. PAUL ROLDAN