PINOY TABLE NETTERS MAY IBUBUGA SA SEA GAMES

KULANG man sa international exposure, kumpiyansa si Philippine Table Tennis Federation (PTTF) president Ting Ledesma na makakamit ng Pinoy table netters ang pinakamimithing gintong medalya sa pagsabak sa 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia sa Mayo 6-17.

Bukod sa mga beteranong sina John Nayre at Emerose Dael na kasalukuyang nasa abroad para sa pagsasanay mula sa pribadong sponsors, pawang local competition lamang ang nalahukan ng mga miyembro ng Philippine Team.

Gayunman ay malaki ang nakitang potensyal ni Ledesma sa resulta ng isinagawang National qualifying kamakailan sa Puerto Princesa, Palawan.

“After the Vietnam SEA Games last year, hindi kami nakalabas ng bansa to train or participate sa international meet. Through private sponsors, our No.2 player na si John Nayre kasalukuyang nasa Portugal, while our women’s No. 3 Emerose Dael nasa US naman, “ pahayag ni Ledesma sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes sa PSC Conference Room sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) sa Malate,Manila.

“But I like our chances this time in Cambodia. Matagal na naming gustong makuha ang gold medal sa SEAG, but this time baka makuha na natin ‘yan with this kind of line-up and preparation,” sabi pa ni Ledesma.

Tanging ang beteranong si Richard Gonzales ang nakasungkit ng medalya (silver) sa men’s singles para sa PH Team sa nakalipas na Vietnam SEAG. Muling sasabak ang 35-anyos na si Gonzales na inaasahang lalaro rin sa men’s double event kasama si Nayre.

Bukod sa dalawa, umaapaw ang pag-asa ni Ledesma sa mga bagitong miyembro ng National Team na sina Filipino-French Eduard Valenet at dating SEA Games junior champion Eljay San Tormis mula sa University of Santo, gayundin sa isa pang beterano na si John Russel Misal.

Sa women’s team, muling sasabak sa biennial meet sina Philippine No. 1 Kheith Rhynne Cruz, Angelou Joyce Laure, Emerose Dael, Rose Jean Fadol at Sendrina Balatbat.

EDWIN ROLLON