MAKARAAN ang matagumpay na kampanya sa katatapos na National Open Invitational Athletics na ginanap sa Ilagan, Isabela, muling mapapalaban si Edwin Giron sa Asian Youth Athletics Championships sa Hunyo 7-11 sa Japan.
Kasama si coach John Lozada, si Giron ay aalis ngayong araw at masusubukan ang kanyang bilis at lakas laban sa mga atleta ng China, Japan at Korea sa limang araw na biennial competition na inorganisa ng Japan Athletics Association at may basbas ang Asian Athletics Association kung saan vice president si PATAFA president Philip E. Juico.
Ngayon lang lalahok si Giron sa prestihiyosong torneo, tampok ang mga manlalaro sa Asia na may edad 18 at pababa.
“Hindi ko masabi dahil ngayon lang ako sasali at hindi ko kilala ang mga kalahok . Gagawin ko ang lahat para mabigyan ng karangalan ang Pinas,” sabi ni Giron sa kanyang tsansa.
Tatakbo si Giron sa 800m na kanyang dinomina sa National Open Invitational at Palarong Pambansa.
Sinabi ni Lozada, may hawak ng Philippine record sa 800m, na malakas si Giron at ang kanyang personal best 1.52 seconds ay dikit sa bronze medal at kaya niya itong higitan dahil mabilis siyang tumakbo.
“Tailor made sa kanya ang 800m. He has the speed, strength and stamina plus the height 5-9,” sabi ni Lozada.
“Marami sana kaming dadalhin subalit hindi maganda ang kanilang record. Si Giron lang ang may pag-asang manalo,” dagdag pa ni Lozada.
Ang pagsabak ni Giron ay suportado ng PATAFA at ng Philippine Sports Commission (PSC) na pinamumunuan ni Chairman William Ramirez. CLYDE MARIANO
Comments are closed.