MAKARAANG sungkitin ang ginto sa 200m sa nakaraang Singapore Open Athletics kung saan nanalo rin ang koponan ni Brazil Olympian Eric Shawn Cray sa 4x100m relay, muling ipinakita nina Filipino-American Kristina Marie Knott at Alyana Nicolas ang kanilang kahandaan sa nalalapit na 30th Southeast Asian Games nang kapwa magwagi ng pilak sa dalawang prestihiyosong athletics competitions na ginanap sa China at Korea.
Gamit ang kanyang pole na naging sandata niya sa National Open Athletics na ginawa sa Ilagan kamakailan, tinalon ni Nicolas ang horizontal bar sa taas na 3.80 meters at pumangalawa kay Korean Shen Soo Young na nagtala ng 4.00 meters sa Korean Open Athletics na idinaos sa Gwangju City.
Naibulsa ni Knott, anak ng isang Pinay mula sa Cavite at ipinanganak sa Orlando, Florida, USA, ang pilak sa 100m sa oras na 11.42 seconds makaraang pumangalawa kay Olga Safronova ng Kazakhstan na nagtala ng 11.32 seconds.
Samantala, nasikwat ni Jelly Diane ang tanso sa oras na 14.99 seconds sa torneong nilahukan ng mahigit 10 bansa, inorganisa ng Korea Athletics Association at may basbas ang Asian Athletics Association na pinamununuan ni Gen. Dahlan ng Kuwait.
Ang Korea Open Athletics at Asian Grand Prix ay magkasabay na nilaro sa Gwnagju City sa Korea at Chongqing City sa China.
Nakipagsabayan si Knott kay Safronova at natalo ang Fil-Am sa homestretch sa una nilang paghaharap sa oval.
“It was a close race. Knott lost in a mad dash to the finish. Well, I’m satisfied with her performance,” sabi ni PATAFA president Philip E. Juico.
Bigo naman sina reigning SEA Games triple jump champion at Philippine record holder Mark Harry Diones at Clinton Kingsley Bautista sa kanilang kampanya.
Tumapos ang Bicolanong si Diones sa ika-5 puwesto sa first leg at ika-4 sa first leg na dinomina ni Fang Yaoqingng ng China.
Kinuha ni Fang ang ginto sa first leg sa tinalong 17.17 meter at sa second leg na may 16.83 meters.
Hindi man nanalo, si Diones ang may pinakamagandang puwesto sa mga kalahok mula sa Southeast Asia na sasabak sa SEA Games na gaganapin sa bansa sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.
Ang kampanya ng mga Pinoy ay sinuportahan ng Philippine Sports Commission (PSC) na pinamumunuan ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez bilang paghahanda sa biennial meet.CLYDE MARIANO
Comments are closed.