KUMBINSIDO si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nadagdagan ang kaalaman at kakayahan ng kapwa Filipino at American soldiers sa naganap na Joint Live Fire Exercises kahapon na bahagi ng Balikatan exercises 2023 sa Naval Education Training and Doctrine Command sa loob ng Naval Base Leovigildo Gantioqui sa San Antonio, Zambales.
Layon ng joint military exercises na paigtingin ang pinagsamang kakayahan sa maritime security, amphibious operations, live fire exercises, urban operations, aviation operations, counter-terrorism at iba pa.
Hinangaan din ni Pangukong Marcos ang pagpapaputok ng rocket launcher na High Mobility Artillery Rocket System (HIMARS) na may kakayahang puntiryahin ang mga malalayong targets.
Kasama ng Pangulo sina US Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson, National Defense Secretary Carlitp Galvez, National Security Adviser Secretary Eduardo Año, Congressman Sandro Marcos at mga matataas na opisyal ng AFP.
Ang Balikatan exercises ay taunang aktibidad na ginagawa ng Armed Forces of the Philippines at United States Armed Forces na layuning palakasin ang bilateral interoperability, kapabilidad, tiwala at kooperasyon na naitatag na ng ilang dekada.
Tampok sa joint military exercises ang Command Post Exercise, Cyber Defense Exercise, Field Training Exercises at Humanitarian Civic Exercise.
Isa sa highlight ng mga aktibidad ang pagpapalubog sa lumang barko ng Philippine Navy.
Pagtatapos na rin ito sa field training ng Balikatan 2023 kung saan nasa 1,400 Marines, sundalo, sailors, airmen at Coast Guardsmen mula sa Pilipinas at Amerika ang lumahok sa Combined Joint Littoral Live Fire Exercise (CJLLFX).
Nasa 17,600 na Filipino at Amerikanong sundalo ang lumahok sa Balikatan o shoulder-to-shoulder exercise ngayong taon.
EVELYN QUIROZ