PINOY WORKERS SA POGOs LUMOBO(16,736 sa 2022)

POGOS

TUMAAS pa ang bilang ng mga Pinoy na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa pagitan ng 2020 at 2022.

Ito ang ibinunyag ng Bureau of Internal Revenue (BIR), isa sa maraming ahensiyang inimbitahan sa pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means sa economic cost at pakinabang sa POGO operation sa bansa.

Sa datos na ibinahagi ni BIR Director Sixto Dy Jr., ngayong 2022, may 16,736 manggagawang Pilipino ang nagtatrabaho sa licensed POGOs.

Mas mataas ito sa 15,745 na naitala noong 2021 at 13,991 naman noong 2020.

Kabaligtaran nito, ang bilang ng dayuhang POGO workers ay bumaba sa 14,838 noong 2021 mula sa 28,394 noong 2020 bago umangat sa 17,509 ngayong 2022.

Sa porsiyento ng POGO workers, ngayong 2022, umabot sa 48.87 porsiyento ang bilang ng mga Pinoy na nagtatrabaho sa industriya, 51.58 porsiyento noong 2021 at 32.98 porsiyento naman noong 2020.

Sa position paper na ipinadala ng BIR sa Senado, sinabi ni Dy na “data provided by the Bureau of Local Employment shows that there has been a gradual increase of Filipino workers as against foreign nationals employed in the POGO industry.”

“From only 14.19% in year 2019, Filipinos currently comprised 48.87% of the total workforce in the industry,” sabi pa niya sa komite.

Sa ilalim ng Republic Act 11590 o POGO law, lahat ng dayuhang POGOs ay obligadong magparehistro sa BIR, kumuha ng tax identification number (TIN) at bayaran ang final withholding tax (FWT) ng 25% ng kanilang gross income.

Ang FWT kada indibidwal, batay sa nakasaad sa batas, ay hindi dapat bababa sa P12,500 at dapat i-remit kada buwan.

VICKY CERVALES