MARAMI nang Pinoy ang nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) industry at malalapagsan na nila ang bilang ng mga dayuhan na nagtatrabaho sa nasabing sektor.
Ito ang ibinunyag ni Association of Service Providers and POGOs (ASPAP) spokesperson Atty. Michael Danganan, sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado sa POGO industry.
“Sa experience natin dito sa industriya, as the years go by, ‘yung mga posisyon po ay nafi-fill up po ng mga Filipino workers,” pahayag ni Danganan sa Senate Ways and Means Committee. “Lumiliit ang agwat ng mga bilang ng mga foreign workers kumpara dun sa mga Filipino workers.”
Ang ASPAP ay binubuo ng 16 na Pagcor-licensed POGOs at 68 service providers. May kabuuang 23,118 Pinoy at 17,130 foreign nationals na nagtatrabaho rito.
Ayon kay Danganan, ang kakayahan ng mga Filipino na agad na makapag-adapt ang dahilan ng pagtaas ng bilang ng mga Pinoy na nagtatrabaho sa POGO industry.
“Alam naman po natin ang mga Pilipino magaling po mag-adapt po. Bata pa po yung industriya, kaya ang ating mga kababayan eh nagsusumikap din po na matutunan talaga at kaya po sila ang naha-hire kasi nagiging qualified na po sila sa mga posisyon,” sabi pa ni Danganan.
“Nakukuha na po ng mga Pilipino ang mga key positions dito sa industriya,” dagdag pa niya.
Sabi pa ni Danganan, kasalukuyang nagtatrabaho ang mga Pinoy sa iba’t ibang kapasidad tulad ng pagiging translators, engineers at project managers.
Nang tanungin ni committee chair Sen. Sherwin Gatchalian kung nagbebenepisyo ba ang mga lokal mula sa technology transfer sa industriya, sinang-ayunan ito ng ASPAP.
“’Yung mga service providers po, kailangan ng POGO, so sa pagbibigay ng serbisyo dun sa POGO, ‘yung mga kompanyang yan nagha-hire ng mga tao, kasama po ang mga Filipino diyan para po maserbisyuhan po ang pangangailangan ng mga operators,” ani Danganan.
VICKY CERVALES