(Pinsala ng Bagyong Carina) 1.7K PAMILYA APEKTADO, 29 BAHAY NAWASAK

CAVITE- HINDI bababa sa 1,758 pamilya at 5,975 indibidwal ang inilikas sa buong lalawigang ito bunsod ng pananalasa ng bagyong Carina.

Batay sa ulat ng Cavite Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), isa ang bayan ng Naic sa mga lubhang naapektuhan ng bagyo kung saan 105 magsasaka ang naapektuhan at tinatayang P3,264,551.30 ang kabuuang halagang ng agriculture damage.

Umabot naman sa 29 ang nasirang kabahayan at imprastraktura sa lalawigan. Sa bilang na ito, 24 ang partially damaged, habang lima naman ang totally damaged.

Samantala, nagtulung-tulong ang mga residente sa Brgy. Ligtong-IV, Rosario Cavite na matanggal ang mga puno na nakabara sa ilog ng Malimango.

Ang sama-samang pagtutulungan ng mga Pinoy ngayon ay patuloy na umaalab ang init ng bayanihan sa gitna ng unos. SID SAMANIEGO