PUMALO na sa tinatayang P2.68 bilyon ang pinsalang idinulot ng El Niño phenomenon sa sektor ng agrikultura sa bansa.
Batay sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang pinakamalaking pinsala ay naitala sa mga tanim na palay na umaabot sa halagang P1.45 bilyon.
Napag-alamang ang Region 12 o ang Soccsksargen naman ang siyang pinaka-apektadong rehiyon dahil ang pinsalang naitala roon ay umabot na sa P808.67 bilyon.
Bilang tugon, binuo ng National Economic Development Authority (NEDA) ang Roadmap for Addressing the Impact of El Niño (RAIN), kapareho nang kanilang binuo noong 2015.
Nakatuon ang naturang road map sa mga hakbang na naglalayong pagaanin ang impact ng El Niño phenomenon sa food security, energy security, health at safety.
Samantala, ang Department of Agriculture (DA) ay nakapag-monitor at nakipag-ugnayan na rin sa mga unit nito at sa NDRRMC gayundin sa Phil-ippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) at sa National Irrigation Administration (NIA).
Nabatid na naglabas na rin ang DA ng halos P18.3 milyon para sa cloud-seeding operations.
Bukod pa rito, sinabi naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na naglaan sila ng P1.2 bilyon para naman sa kanilang standby resources.
MATINDING TAGTUYOT RAMDAM NA SA PANGASINAN
Samantala, unti-unti na ring nararamdaman ng ilang mga magsasaka maging sa bayan ng San Fabian, Pangasinan ang epekto ng tagtuyot o El Niño phenomenon.
Base sa ilang lumabas na ulat, natuyo na ang ilang mga balon na pinagkukunan ng patubig ng mga magsasaka at nagsisimula na ring magkaroon ng pagbibitak-bitak ng lupa sa ilang palayan sa lugar na indikasyon ng kakulangan ng tubig.
Maging ang bahagi ng Bued River ay mapapansin ang pagbaba ng lebel ng tubig.
Maliban dito ay pahirapan na rin maging ang suplay ng tubig partikular ang mga residente ng Barangay Armal lalo at wala na rin umanong lumalabas na tubig sa kanilang mga poso.
Sa kasalukuyan, nagsisimula na ang scheduling ng pagpapatubig na tulong para sa mga magsasaka sa lugar. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.