NAGPADALA na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng technical engineers sa Mindanao upang inspeksiyunin ang structural integrity ng mga pangunahing kalsada, tulay at iba pang pampublikong gusali na naapektuhan ng serye ng paglindol na yumanig sa southern Philippines sa loob lamang ng wala pang isang buwan.
Ayon kay DPWH Secretary Mark Villar, pinangasiwaan ni Undersecretary for Mindanao Operations Dimas Soguilon ang pagtaya ng situation deployment ng quick response teams sa Davao at Cotabato.
Aniya, isang team na kinabibilangan ng bridge engineers mula sa Regional Office 11 (Davao Region) at Davao City District Engineering Office (DEO) ng ahensiya ang nagsagawa ng inspeksiyon sa Bolton Bridge II sa Quimpo Boulevard na pangunahing connector patawid sa Davao River makaraang muling maramdaman ang malakas na ground shaking noong Huwebes.
Sa report ng DPWH Region 11, natuklasan ang minor cracks sa istruktura ng tulay at agad na nilimitahan ang pagdaan ng mga sasakyan sa 15 hanggang 20 tons capacity habang isinasagawa ang pagkukumpuni.
Iniulat naman ni Davao del Sur District Engineer Nicomedes Parilla ang pansamantalang pagpapasara sa dalawa sa apat na lanes ng Matanao bridge sa Davao-Cotabato road, Matanao Section dahil sa visible cracks sa deck slab.
Ininspeksiyon din nina Soguilon at DPWH Region 11 director Allan Borromeo ang earthquake-damaged school buildings ng Kasuga National Highschool sa Magsaysay, Davao del Sur.
Inatasan ni Villar ang DPWH regional offices at DEOs na ipagpatuloy ang assessment sa lahat ng national roads at bridges at school buildings.
Samantala, nagpadala na rin ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng senior officials at quick response teams sa mga lugar sa Mindanao na malubhang tinamaan ng 6.5 magnitude na lindol.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, aalamin ng mga ito ang lawak ng naging pinsala ng lindol at kung gaano karaming manggagawa ang apektado.
Inaasahan namang sa Linggo ay personal na magtutungo ang kalihim sa Davao City para makita ang lawak ng pinsala sa kabuhayan ng mga mamamayan doon.
Batay sa ulat, kabilang sa matinding napinsala ng pagyanig ang Cotabato, Kidapawan City at mga kalapit na lugar.
Tiniyak naman ng kalihim na prayoridad ng DOLE ang pagtulong sa mga apektadong manggagawa.
Katunayan, isa sa mandato ng response team na ipinadala sa Mindanao ng DOLE ang magsagawa ng profiling ng mga manggagawa.
Aalamin din ng mga labor inspector kung sumusunod ang mga kompanya roon sa occupational safety and health standards.
Sa oras na matapos ang assessment, ang paglalaan naman ng pondo para sa emergency employment assistance ang tatrabahuhin ng DOLE.
“We received a directive from the President to monitor and provide appropriate assistance to the earthquake affected cities. Even when the first earthquake jolted Mindanao early this month, we have already deployed our team to provide assistance for the affected workers,” pahayag ni Bello. PNA, ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.