PINSALA NI ENTENG: 13 PATAY, 10 SUGATAN

UMAKYAT na sa 13 katao ang inulat na nasawi bunsod ng walang tigil na pag-ulan dulot ng Bagyong Enteng na pinalakas pa ng nararanasang Southwest Monsoon o Habagat.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), pawang under validation pa ang mga initial report mula sa CALABARZON, Regions 6 at 7 .

Sa inilabas na situational report ng NDRRMC kahapon ng umaga ay sampu pa lamang ang kanilang kinumpirmang reported death bunsod ng Tropical Storm Enteng.

Pahayag ng Office of Civil Defense (OCD) ang implementing arms ng NDRRMC kahapon ng uma­ga ang bilang ng nasawi ay sanhi ng mga naganap na landslides at mga pagbaha  sa bahagi ng Luzon at Metro Manila.

Ayon kay OCD spokesperson Edgar Posadas karamihan ng nasawi ay dahil sa pagka lunod at pina­ngangambahang lumobo pa ang nasabing bilang dahil sa patuloy na verification na ginagawa ng ahensiya.

Kabilang sa mga inis­yal na ulat na ang pitong nasawi sa Antipolo sanhi ng landslides kung saan may apat pang pinaghahanap.

Isang lalaki rin ang inulat na namatay ng tamaan ng gumuhong pader sa  ulo. Isang buntis din ang kabilang sa nasawi habang may isang namatay nang makuryente ito nang biglang tumaas ang tubig baha sa kanilang lugar  habang isang sanggol ang nalunod.

Dalawang bangkay ng mga biktima ng landslide ang narekober ng Search and Retrieval team sa Barangay Sto. Niño, Biri, Northern Samar, bandang alas-11 Martes ng umaga.

Kinilala ang mga biktima na sina Federico Galvan Sabangan Sr., 76-anyos, at ang anak nitong si Federico Acuña Sabangan Jr., 29-anyos, residente ng lugar.

Ang mga biktima ay natakpan ng gumuhong lupa dahil sa ulan na dala ni Bagyong Enteng kahapon sa Northern Samar bukod pa sa apat na sugatan na pa­tuloy na nilalapatan ng paunang lunas a pagamutan.

May dalawa ring inulat na nasawi sa Cebu bunsod ng landslide.

Samantala, umaabot na sa 37, 867 pamilya o katumbas ng 147,000 mahigit na indibidwal ang apektado ng bagyo mula sa 338 na mga barangay sa Regions 3, 5, 6, 7, CALABARZON, at NCR.

Sa nasabing bilang 30,000 indibidwal ang pansamantalang nanunuluyan sa 218 na mga evacuation center habang nasa halos 2,000 katao naman ay mas piniling makituloy sa kanilang kaanak o manatili sa kanilang mga tahanan.

VERLIN RUIZ