PINSALA NI ‘FLORITA’ SA INFRA UMAKYAT NA SA P571-M

TINATAYANG aabot na sa mahigit P571 million ang halaga ng pinsala sa imprastraktura ng Severe Tropical Storm Florita.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 192 imprastraktura ang nasira, kung saan 183 ang naapektuhan sa Ilocos Region na nagkakahalaga ng P546.7 million.

Siyam na imprastraktura naman ang napinsala sa Cagayan Valley na nagkakahalaga ng P24.4 million.
Karamihan sa mga nasira ang mga kalsada, sinundan ng flood control structures, government facilities, mga tulay, at health facilities.

Samantala, iniulat naman ng Department of Agriculture na umabot na sa mahigit P13 million ang mga naapektuhang pananim, nasirang imprastraktura, machineries at kagamitan sa Ilocos Region dahil sa nagdaang bagyo.

Naitala naman ng National Irrigation Administration (NIA) ang tatlong partially damaged infrastructure sa CALABARZON na nagkakahalaga ng mahigit P10.8 million.

May 95 kabahayan din ang napinsala dahil sa Bagyong Florita sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, at Cordillera Administrative Region. DWIZ 882