SUMAMPA na sa P160.1 million ang pinsala at pagkalugi sa agrikultura na iniwan ni Super Typhoon Karding, ayon sa pinakahuling datos mula sa Department of Agriculture (DA).
Sakop ng pagtaya ng Disaster Risk Reduction and Management Operations Center (DRRM) ng DA ang 16,659 ektarya ng agricultural areas sa Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Central Luzon, Calabarzon, at Bicol Region.
Katumbas ito ng volume ng production loss na 7,457 metric tons (MT) ng mga produkto tulad ng bigas, mais, high value crops, at fisheries na nakaapekto sa 3,780 magsasaka at mangingisda.
Nakahanda naman ang DA na magkaloob ng tulong sa mga apektadong magsasaka at mangingisda, tulad ng 133,240 bags ng rice seeds; 5,729 bags ng corn seeds; at 4,911 kilograms ng assorted vegetable seeds.
Magkakaloob din ang ahensiya ng drugs at biologics para sa livestock and poultry, at fingerlings sa pamamagitan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Sinabi ng DA na maaari rin nitong gamitin ang Survival and Recovery (SURE) Program ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC), at ang P500-million na halaga ng Quick Response Fund (QRF) para sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar.