UMABOT na sa mahigit P1 billion ang pinsalang iniwan ng bagyong Paeng sa agrikultura, ayon sa pagtaya ng Department of Agriculture (DA).
Hanggang alas-3 ng hapon nitong Lunes, Oktubre 31, ang Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Operations Center ng DA ay nakapagtala ng P1.33 billion na pinsala, mas mataas sa P49.54 million na iniulat noong Linggo ng umaga.
Sakop ng latest bulletin ang production losses na 66,693 metric tons (MT) at damage sa 64,607 ektarya ng agricultural areas sa Cordillera Administrative Region, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, at Soccsksargen.
Ayon sa DA, nasa 53,849 magsasaka at mangingisda ang naapektuhan ng bagyo.
Karamihan sa pinsala ay naitala sa bigas na may rice total value loss na P1.23 billion.
Umabot naman sa P60 million ang pinsala sa high-value crops, habang sa fisheries ay P16 million, corn sa P5.59 million, at livestock and poultry sa P1.92 million.
Samantala, ang pinsala sa agricultural infrastructure ay tinatayang nasa P20.6 million, na sumasakop sa Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory, a Regional Fruit Nursery, at Agricultural Research and Experiment Station.