UMABOT na sa P1,079,311,046 ang halaga ng pinsala sa agrikultura at imprastruktura ng pananalasa ng bagyong Ursula, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa pinakabagong situation report ng NDRRMC, ang pinsala sa imprastruktura ay nasa P296,326,956, habang ang danyos sa agrikultura ay P782,984,090. Ang mga pinsalang ito ay naitala sa Regions Mimaropa, V, VI, VII and VIII.
Samantala, nananatili sa 47 ang bilang ng mga nasawi habang ang mga sugatan ay umabot na sa 143. Siyam na indibidwal ang nananatiling nawawala, ayon sa NDRRMC.
May kabuuang 482,350 pamilya o 1,979,155 katao ang apektado ng bagyo sa 2,304 barangays sa Mimaropa, Caraga at Regions V, VI, VII at VIII.
Sa ulat ng ahensiya, may kabuuang P25,462,803.22 halaga ng tulong ang ipinagkaloob ng Office of Civil De-fense, gayundin ng Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), ng local government units (LGUs) sa mga apektadong residente.
Nanalasa ang bagyo sa ilang lalawigan noong Pasko, na nagresulta sa pagkaka-stranded ng libo-libong katao sa mga pantalan at pagkansela ng mga flight.
Si ‘Ursula’ ay lumabas sa Philippine Area of Responsibility noong Sabado ng umaga.