SUMAMPA na sa mahigit isang bilyong piso ang pinsala sa agrikultura ng pananalasa ng Severe Tropical Storm Florita.
Sa datos na inilabas ng Disaster Risk Reduction and Management Operations Center (DRRM) ng Department of Agriculture (DA), ang pinsala ay umakyat sa P1.13 billion mula sa P19.10 million na naunang iniulat.
“The increase in overall damage and losses is due to additional reports on rice, corn, high value crops, and livestock in all affected regions,” ayon sa DA-DRRM sa isang bulletin na inilabas noong August 26, 2022.
Ang bagyo ay nakaapekto sa 6,647 magsasaka, na may volume of production loss na 66,633 metric tons (MT) at 44,922 hectares ng agricultural areas sa Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, at Bicol Region.
Ang mga apektadong commodities ay kinabibilangan ng rice, corn, high value crops, livestock at poultry.
Nagsasagawa na rin ang DA, sa pamamagitan ng Regional Field Offices (RFOs) nito, ng assessment sa pinsala ni ‘Florita’ sa agri-fisheries sector.
Bilang tulong ay mamamahagi ang DA-DRRM ng 69,046 bags ng rice seeds, 3,840 bags ng corn seeds, at 600 kilograms ng assorted vegetable seeds sa mga apektadong rehiyon.
Magkakaloob din ang ahensiya ng drugs at biologics para sa livestock and poultry; at fingerlings at ayuda sa mga apektadong fisherfolk mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).