PINSALA SA AGRI NI ‘KARDING’ UMAKYAT NA SA P2.02-8

PUMALO na sa mahigit P2 bilyon ang pinsala at pagkalugi sa sektor ng agrikultura ng Super Typhoon Karding, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Agriculture Undersecretary Domingo Panganiban na hanggang alas-8 umaga ng Set. 29, ang kabuuang halaga ng production loss dahil sa bagyo ay umabot na sa P2.02 billion.

Kumpara ito sa P1.97 billion na naitala noong Miyerkoles ng umaga.

Ang pagtaas sa overall damage at losses ay dahil sa mga karagdagang report sa rice, corn, livestock and poultry, at fisheries sa Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Central Luzon, Bicol Region at Western Visayas.

Ayon kay Panganiban, ang mga apektadong magsasaka at mangingisda ay nasa 91,944.
Sa hiwalay na bulletin, iniulat ng Disaster Risk Reduction and Management Operations Center (DRRM) ng DA na napinsala ni ‘Karding’ ang kabuuang 150,693 ektarya ng farm lands sa Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, Bicol Region at Western Visayas na may kabuuang production loss na 117,663 metric tons (MT).

Ang mga apektadong commodities ay kinabibilangan ng rice, corn, high value crops, livestock and poultry, at fisheries.

Ang pinakaapektadong pananim na may kabuuang halaga ng production loss sa P1.66 billion ay ang bigas, sumusunod ang high-value crops sa P271.6 million.

Ang mais ang third most damaged crop na may total loss na P43.6 million, pang-apat ang fisheries na may P43 million habang ang livestock and poultry ay nagtamo ng total loss na P7.9 million.