(Pinsala umabot na sa P250-M) BAGSIK NI AGATON: 172 PATAY, 110 NAWAWALA

HABANG nagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay ang halos buong sambayanan ay nagluluksa naman ngayon ang pamilya ng may 172 katao na nasawi bukod pa sa may 110 na sinasabing nawawala bunsod ng pananalasa ng tropical depression Agaton sa Visayan Region at ilang bahagi ng Mindanao.

Sa inilabas na ulat ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) kahapon ng umaga, nasa 172 ang bilang ng mga reported dead .

Habang umakyat din sa P 249,826,730.06 ang tinatayang danyos sa mga pananim at agrikultura.

Base sa kanilang situational report, sinabi ng NDRRMC na 156 sa mga nasawi ay sa Eastern Visayas , habang 11 naman sa Western Visayas, tatlo sa Davao Region, at dalawa naman nag reported death sa Central Visayas.

Subalit sa sinasabing reported death toll ay 12 pa lang dito ang naba-validate ng NDRRMC, kung saan 11 rito ay mula sa Western Visayas at isa naman ang sa Eastern Visayas.

Mayroon namang 110 iba pang mga indibidwal na naiulat na nawawala, kung saan 104 ang mula sa Eastern Visayas, lima ang mula sa Western Visayas, at isa naman ang mula sa Davao Region.

Sa 110 reported missing ay anim pa lamang ang kumpirmado ng NDRRMC, kung saan lima ang mula sa Western Visayas at isa naman sa Davao Region.

Samantala, ang ha­laga ng pinsalang iniwan ng naturang bagyo sa sektor ng agrikultura ay pumalo sa P249,826,730.06 sa Western Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Soccsksargen, at Bangsamoro.

Ang halaga na ito ay mas mababa kung ikukumpara sa P703.3 million agricultural damage na iniulat naman ng Department of Agriculture nitong Sabado.

Aabot naman sa P6,950,000 ang halaga ng pinsala sa mga imprastraktura matapos na hindi madaanan noong mga nakaraan araw ang nasa 69 na kalsada at siyam na tulay sa Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, at Caraga.

Sa mga tirahang nawasak , sinasabing umaabot ito sa 10,393 bahay ang napinsala ng dahil sa bagyo.

Sa kabilang dako, sinabi ng ahensiya na kabuuang 2,015,643 people o katumbas ng 583,994 pamilya ang apektado nang pananalasa ng Bagyong Agaton sa 2,419 barangay sa Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, Caraga, at Bangsamoro. VERLIN RUIZ