PALAWAN- PINAGHAHANAP ng pulisya ang isang lalaking pumalakol at pumatay sa kanyang pinsan sa Taytay sa lalawigang ito.
Kinilala ng Taytay Municipal Police ang suspek na si Elfredo Coching ng Barangay Busybees habang ang bangkay ng biktima ay si Jerald Coching, 31-anyos ay pinaghahanap at pinaniniwalaan na itinago ng suspek.
Batay sa ulat ng Palawan Provincial Police Office, noon pang Disyembre 30 naganap ang pamamaslang subalit hindi ipinaalam sa mga pulis ng mga kaanak ng dalawa dahil nagbanta si Elfredo na ang sinumang magsusumbong ay isusunod nitong patayin.
Ayon sa mga nakasaksi, una nilang nakitang pagewang-gewang at duguang naglalakad si Jerald hanggang bumagsak at nilapitan umano ito ni Elfredo saka pinalakol sa batok na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Makaraan nito ay isinakay sa bangka ng suspek ang labi ng biktima saka tumakas at hanggang kahapon ay hindi pa natatagpuan.
Sinabi ng Taytay Police na dati nang nakulong si Elfredo dahil sa kasong pagnanakaw. EC