PINUNO NG ISIS, 1 PA TODAS SA ENGKUWENTRO

LANAO DEL SUR- NAPATAY sa inilunsad na focus military operation ang hinirang na Amir ng Daulah Islamiyah sa buong East Asia at pinuno ng Islamic States of Iraq and Syria sa (ISIS) sa Pilipinas kahapon ng madaling araw sa Marawi City.

Ayon kay Western Mindanao Command Chief Lt. Gen. Roy Galido, napatay sa joint law enforcement operation ang Amir ng Daulah Islamiyah-Philippines and Overall Amir of Islamic State-East Asia na si Faharudin Hadji Benito Satar/Faharudin Pumbaya Pangalian/Fahar Pumbaya Pangalian, a.k.a. Abu Zacharia.

“Based on the report from the ground, Faharudin Hadji Benito Satar/Faharudin Pumbaya Pangalian/Fahar Pumbaya Pangalian, a.k.a. Abu Zacharia, Amir of the Daulah Islamiyah-Philippines and Overall Amir of the Islamic State-East Asia was successfully neutralized after resisting arrest during a joint law enforcement operation conducted at his safe house in Barangay Bangon, Marawi City, Lanao del Sur at about 1:30 in the morning, Wednesday,” ani Galido.

Batay sa ulat, madaling araw ng Miyerkules ay ginapang ng mga tauhan ng AFP- 103rd Infantry Brigade at mga tauhan ng PNP ang natunton bahay na pinagtataguan ni Zacharia.

Bago pa maisilbi ng mga awtoridad ang bitbit nilang warrant ay sinalubong na agad sila ng sunod sunod na putok kaya nagkaroon ng maikling sagupaan.

Nagawa pang maihagis ni Zacharia ang 60mm mortar at dalawang hand grenades sa puwesto ng mga sundalo kung saan matapos ang may sampung minutong palitan ng putok ay tumambad ang bangkay ni Zacharia katabi ng dalawang M16A1 rifles with ammunition.

Habang isang sundalo rin ang nasugatan sa engkuwentro na nilalapatan ng lunas sa pagamutan.

Gayundin sa isang follow up operation na ikinasa ng militar sa Bangon, Marawi City, napatay naman ang isa pang key leader ng Daulah Islamiyah.

Kinilala ni Brig. Gen. Yegor Rey Barroquillo, Commander ng 103rd Infantry Brigade ang napaslang na terorista na si Joharie Sandab, a.k.a. Morsid, DI-Philippines Sub-Leader at Amir for Finance and Logistics na piniling lumaban ng sabayan bago pa masilbihan ng warrant of arrest.

Pinapurihan naman ni Maj. Gen. Antonio Nafarrete, Commander ng Joint Task Force ZamPeLan ang tropa ng mga sundalo sa kanilang magandang accomplishment.

“This is a significant breakthrough in our campaign against the Daulah Islamiyah. We are certain that the death of Abu Zacharia will be the downfall of the IS-inspired group in our area of operation,” ani Galido. VERLIN RUIZ